"Twelve (12) lang ang napili sa try-out, pang-thirteen (13) ako. Praktis ako ng praktis, may uniform na ko... Nay, bakit?" - Lucky Me Commercial.
Gaya ng bata sa commercial na ito. Isang slot na lang sana, pasok na siya sa basketball team, pero he didn't made it. Minsan akala natin kulang pa yung nagawa natin para makamit ang isang pangarap. Kadalasan naman, iniisip natin na wala tayong pagkukulang at naibigay na natin lahat. Pero ang hindi natin alam, ang Diyos pa ang nawawala o ang kulang sa buhay natin kaya nawawalan tauo ng pag-asa na makamit ang mga pangarap na inaasam-asam natin.
Sa buhay natin, madami tayong mga pangarap na gustong matupad. Mga pangarap na matagal na nating inaasam-asam, na palagi nating ipinagdarasal. Pero hindi lahat ng pangarap natin ibinibigay agad ng Panginoon. Minsan binibigo niya tayo para matuto. Binibigo niya tayo para masaktan, para lalo pa nating pag-igihan ang mga bagay na dapat nating gawin para makamit ang pangarap na ito.
When I was invited to attend the retreat, nagda-dalawang isip talaga ko kung pupunta ko o hindi. Ang kalaban madaming sinasabi para lang hindi ako mapalapit sa Diyos. Pero nagsawa din siya. Si Lord ang nag-tagumpay. Naka-attend ako ng retreat at sobra akong pinagpapala ngayon. Hindi ako makapaniwala na naka-tayo ako sa harap niyo ngayon at ibinabalita kung gaano kabuti ang Panginoon at tinanggap niya kong muli bilang kanyang anak.
Kaninang madaling araw lang ako sinabihan ni Tita Elsie na kung maari ay mag-testify ako kung anong "impact" ng EGR sa buhay ko. Wala akong idea kung paano gawin yun, pero dahil napakabuti ng Diyos, andito ko sa inyong harapan, nagsasalita kung gaano niya tayo kamahal.
"Ang dami kong gutom." - Lucky Me Commercial
Bago ako umattend sa EGR, madami akong gutom. Tayong lahat, madami tayong gutom. Gutom tayo sa pera, sa pagmamahal, sa pag-asa, sa pangarap. Pero alam niyo po, pagkatapos ng EGR, naisip ko na lahat ng gutom na ito isa lamang ang makakapuno. Ang tangi lamang ng makapagpupuno ng gutom na ito ay ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Ang pagmamahal na ipinangako niya sa atin.
Kaya mga kapatid sa May po mayroon ulit EGR ang CPCC, kayo pong lahat ay iniimbitahan. Mapalad po kayo na kayo ay narito at iniimbita ng simbahang ito na umattend, gaya nga ng sabi ni Robin Padilla sa SkyFlakes commercial, "Ito na ang break mo, kagatin mo!" Opo mga kapatid, wag po nating palampasin ang pagkakataon na mas makilala pa ang Panginoon kung sino at ano siya sa ating buhay.
I experienced stress and depression bago ako umattend ng retreat. Ang dami ko pong pinagdadaanan at hanggang ngayon ay akin pa ding pinagdadaanan. Pero mas malakas na po ako ngayon. Dahil alam ko na may Diyos na nagmamahal sa akin at hindi ako pinababayaan. Kinagat ko ang break na ibinigay Niya sakin at binusog Niya ako ng pagmamahal. Gaya nga ng tag-line sa Cobra Energy drink commercial, "Pag meron ka nito wala kang talo!" Kapag patuloy tayong nanampalataya at nananalig sa Diyos, wala tayong talo! Hindi man natin makamit lahat ng pangarap natin sa buhay ngayon, hindi man tayo magtagumpay sa buhay natin dito sa mundo, panalo naman tayo sa langit, dahil mahal natin ang ating Panginoon. Hindi niya tayo bibiguin. Patuloy lamang tayong manalig at magtiwala sa kanya.
"Making things possible." - Globe commercial.
Ang Panginoon po natin ay makapangyarihan, at walang imposible sa kanya. Gaano man kabigat at kahirap ang pinagdadaanan mo, ialay at itaas mo ito sa kanya, lahat kakayanin mo. Minahal niya tayo noon, at patuloy na minamahal hanggang ngayon sa kabila ng ating mga pagkukulang. Kaya mga kapatid, bigyan po natin Siya ng panahon, para makilala muli. Para malaman natin kung sino at ano ba talaga Siya sa ating buhay.
Ang mga pinagdaanan ko noon, at ipinagdadaanan ko ngayon ay hindi naman nasolusyunan kaagad. Ang nabago lang ay kung paano ko ito hina-handle. Kung noon gumigising ako sa umaga na problema ang iniisip, pagkatapos kong makilala ang Panginoon, gumigising akong may ngiti sa aking mga labi. Ngumingiti ako dahil alam kong may pangako sa akin ang Panginoon, na anuman ang dumating, hindi ako mag-iisa dahil nariyan lang sya sa aking tabi.
Sa May po, may EGR ulit dito sa ating simbahan. Dumalo po kayo, hindi po kayo magsisisi. Nagpapasalamat po ako sa Panginoon dahil nabigyan ako ng ganitong pagkakataon na humarap sa inyo at lahat ng ito'y iniaalay ko para sa Kanya.
Bago po ako umalis sa aking kinatatayuan, mag-iiwan po ako ng isang katanungan para sa ating lahat.
"Para kanino ka bumabangon?" - Nescafe Commercial
Magandang umaga po sa inyong lahat, ako po si Kerlyn Rufino, 22 years old. Naka-attend po ako sa EGR dahil inimbita po ako ni Tita Edith, Key and Bobadilla Family. Maraming salamat po at patuloy nating papurihan ang ating Panginoon.
PS: Hindi ito yung original na testimony, sinubukan ko lang dagdagan at ilagay lahat ng natatandaan ko. :)
May this message Bless us all!
If you want english translation, e-mail me. I'll try to do it. Though I know it'll be tough! :)
No comments:
Post a Comment